Mayorya ng mga Pilipino ang handang ipagtanggol ang bansa kung magkakaroon ng gulo sa pagitan ng Pilipinas at dayuhang kalaban, ayon yan sa OCTA Research.
Sa isinagawang Tugon ng Masa survey ng grupo, lumalabas na 77% ng mga Pinoy ang handang ipaglaban ang Pilipinas habang 23% naman ang hindi.
Pinakamataas ang porsyentong naitala sa mga taga-Mindanao kung saan umabot sa 84% ng respondents ang nagsabing ipagtatanggol ang bansa habang pinakamababa naman ang sa Visayas na nasa 62%.
Pagdating sa age groups, nasa edad 45-54 ang may pinakamaraming tugon na ipaglalaban ang bansa o bumubuo sa 87%.
Samantala, mas marami sa mga Pilipino na kabilang sa Class D ang handang ipagtanggol ang bansa kumpara sa ibang socioeconomic classes.
At karamihan din ng handang lumaban ay mga kalalakihan na nasa 82% kumpara sa mga kababaihan na nasa 72%.
Ayon sa OCTA Research Group, ang naturang survey ay kinomisyon ng Armed Forces of the Philippines.
Isinagawa ito mula December 10 to 14, 2023 sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents nationwide. | ulat ni Merry Ann Bastasa