Pangungunahan ni San Juan City Mayor Francis Zamora ang pamamahagi ng may 13,000 pares ng rubber shoes sa mga mag-aaral ng K-12 sa mga pampublikong paaralan sa lungsod.
Ayon kay Mayor Zamora, bahagi ito ng kanilang pagpapaigting ng educational experience ng mga mag-aaral ng K to 12 sa lungsod.
Isasagawa ang naturang aktibidad sa San Juan City Gymnasium, ganap na alas-10 ngayong umaga.
Sinabi ni Mayor Zamora na nauunawaan nila ang kalagayan ng mga magulang na ginagapang ang kagamitan ng kanilang mga anak gaya ng sapatos na may kamahalan ang presyo.
Kaya naman, minabuti ng Pamahalaang Lungsod na mamahagi ng mga personalized na rubber shoes dahil bukod sa makatutulong na ito sa gastusin ng mga magulang, magiging uniporme pa ito dahil iisa lang ang disenyo.
Sa huli, sinabi ni Mayor Zamora na patuloy nilang itataguyod ang pagbibigay ng dekalidad na mga kagamitang pang eskuwela ng mga mag-aaral upang makaagapay naman ng mga ito sa kanilang pagsusumikap na mag-aral ng mabuti. | ulat ni Jaymark Dagala
📸: San Juan LGU