Umapela sa Commission on Appointments si Atty. Ronald Barbaso, ang abogado ni Col. Ranulfo Sevilla na bigyan ng patas na pagkakataon ang kanyang kliyente na ipaliwanag ang kaniyang panig.
Ito’y matapos na i-bypass ng komisyon ang promosyon ni Col. Sevilla sa ranggong Heneral, dahil sa pagrereklamo ng misis nito na si Tessa Reyes-Sevilla.
Sinabi ni Atty. Barbaso na mistulang ‘one-sided’ ang naganap na proceedings sa kanyang kliyente, sa pamamagitan ng hindi pagpapahintulot o pakikinig sa buong paliwanag ng kanilang panig hinggil sa nasabing isyu.
Giit ng abogado, hindi nabigyan ng due process si Col. Sevilla at dinadaan sa trial by publicity ang opisyal, kung saan lahat ng akusasyon ng kaniyang dating asawa ang pinaniniwalaan ng publiko nang hindi naririnig ang kanilang panig.
Una na ring pinabulaanan ni Col. Sevilla ang lahat ng mga ipinaratang sa kaniya ng dating asawa kasabay ng pagbibigay-diin na matagal na silang hiwalay. | ulat ni Leo Sarne