Muling pinaalalahanan ng PNP Anti-Cyber Crime Group (ACG) ang publiko na mag-ingat sa mga scam partikular sa pagsapit ng Holy Week.
Ayon kay PNP ACG Director Police Maj. General Sydney Sultan Hernia ang panahong ito ay kalimitang sinasamantala ng mga scammer para mambiktima sa pamamagitan ng “vacation scam”.
Kalimitan aniya itong isinasagawa sa pamamagitan ng pag-aalok ng mga travel package o hotel deals na sobrang mura sa social media.
Payo ng ACG sa publiko, beripikahin kung lehitimo ang travel website para hindi maloko, gumamit din ng mga trusted platforms, at kwestyunin ang mga hindi makatotohanang deals o promo na “too good to be true”.
Kailangan ding secure ang payment methods, maging maingat sa mga unsolicited offers, i-check kung mayroong physical address ang travel agency at agad na i-report sa pulisya kung kahina-hinala ang alok ng mga travel tours.
Maaari itong i-report sa FB page sa @anticybercrimegroup o mag-text o tumawag sa 09688674302. | ulat ni Leo Sarne