Humirit si House Deputy Majority Leader Erwin Tulfo sa PhilHealth na ilibre na sa mammogram, ultrasound, at iba pang test ang mga kababaihan, lalo na ngayong Women’s Month.
Sa pagdinig ng House Joint Committee on Special Privileges ukol sa pagbibigay ng diskwento at mga benepisyo sa mga senior citizen at PWDs, sinabi ni Tulfo na dapat ding bigyan ng libreng benepisyo sa mga medical examination ang mga kababaihan na miyembro ng PhilHealth.
“It was brought up (during last hearings) yung basic diagnostics, X-rays, ultrasound, ECG and particularly mammogram should be free courtesy of PhilHealth lalo na mga kababaihan, particularly Women’s Month ngayon. Pwede po ba gawing libre na ang mammogram para sa mga kababaihan natin. I think nasa top five po ng causes of death ng Filipino women ang cancer of the breast,” ani Tulfo.
Tinukoy ng mambabatas ang isang artikulo sa pahayagan kung saan sinasabi na noong August 2023 ay umabot sa 86,484 ang may cancer sa Pilipinas.
Sa naturang bilang, aabot sa 27,163 ang breast cancer na naiulat kada taon.
Lumalabas din na 9,926 na mga Pilipina ang nasasawi sa breast cancer o pangatlo sa pinaka-nakamamatay na uri ng cancer sa mga kababaihan.
Nangako naman si PhilHealth Regional Office NCR Vice President Bernadette Lico na isasama ang libreng mammogram at ultrasound oras na mailunsad ang comprehensive allocation benefit package.
Pero giit ni Tulfo dapat itong madaliin ng PhilHealth lalo at magsisilbi itong preventive measures para agad matukoy at maagapan ang sakit kung mayroon man.
“Why not gawing libre kapag member siya ng PhilHealth. Kahit once a year lang na pwede po yung member magpa-checkup ng mammogram o kaya po ultrasound. Because it is badly needed by our women. Wag naman po na librehin lang natin yung may cancer na dapat even before na magkasakit po ng cancer, pwede po ba sagutin ng PhilHealth,” giit ni Tulfo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes