Personal na nagtungo si Armed Forces of the Phlippines (AFP) Chief of Staff, General Romeo Brawner Jr. sa burol ng apat na sundalong nasawi matapos tambangan ng mga miyembro ng Dawlah Islamiyah – Hassan Group sa Datu Hoffer sa Maguindanao.
Dito, ipinaabot ni Brawner ang taos-pusong pakikiramay ng AFP sa naulilang pamilya nila Pvt. Marvin Dumaguing, Pvt. Jessie James Corpuz, Pvt.1st Class Carl Araña, at Cpl. Creszaldy Espartero.
Magugunitang nangyari ang pananambang noong Linggo, March 17 habang pabalik na sa kampo ang mga biktimang sundalo buhat sa pamilihan para mamili ng suplay bilang bahagi ng kanilang community service.
Una nang kinondena ng AFP ang nangyaring pananambang kasabay ng pagtitiyak na pananagutin nila ang nasa likod ng karumal dumal na krimen, at tutuldukan ang paghahasik ng takot sa rehiyon.
Kasunod niyan, tiniyak din ni Brawner ang tulong na ibibigay ng AFP sa mga naulilang pamilya ng apat na nasawing sundalo. | ulat ni Jaymark Dagala