Tumangging magkomento ang Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kaso ni Brigadier General Ranulfo Sevilla matapos siyang akusahan ng pang-aabuso ng sarili nitong pamilya.
Ayon kay AFP Spokesperson, Colonel Francel Padilla, nagpapatuloy kasi ang prosesong ligal sa pagitan ng heneral at pamilya nito kaya’t makabubuti munang dumistansya sila sa usapin.
Gayunman, nilinaw ni Padilla na kanilang sineseryoso sa AFP ang anumang alegasyon o reklamo tungkol sa pang-aabuso sa mga babae gayundin sa mga bata.
Katunayan, may inilatag nang mga programa ang kanilang Gender and Development Office para patatagin ang kanilang mga batas, panuntunan, at reglamento tungkol sa gender-based violence sa hanay ng AFP.
Tiniyak naman ng AFP na hindi nila kinukonsinte ang anumang uri ng pang-aabuso at patuloy nilang ikikintal sa puso’t isipan ng kanilang mga tauhan ang matibay na social at family values.
Batid naman aniya ng mga sundalo na dapat itrato ang bawat isa ng may paggalang at kabutihan lalo na sa kanilang pamilya habang ginagampanan ang kanilang tungkulin para sa bayan. | ulat ni Jaymark Dagala