Nanawagan si Kabayan party-list Rep. Ron Salo sa pamunuan ng NAIA at ng mga operator nito na agad aksyunan ang ulat ng pest infestation sa paliparan.
Ayon kay Salo mahalaga ang agarang tugon sa napaulat na presensya ng surot o bed bugs at daga para maibalik ang kumpiyansa ng mga biyahero sa kalinisan ng paliparan.
Giit ng House Committee on Overseas Workers Affairs Chair na hindi maaaring makompromiso ang kaligtasan at kaginhawaan ng mga biyahero lalo na ng Filipino migrant workers.
“I call upon NAIA management, in collaboration with the operators, to take immediate and decisive action to address this matter and restore confidence in the airport’s cleanliness and hygiene standards. We cannot compromise on the safety and comfort of our travelers, especially our Filipino migrant workers and balikbayans,” sabi ni Salo.
Payo naman ng mambabatas sa mga biyahero na agad ipagbigay alam sa mga awtoridad ang ano mang isyu ng pest infestation o problema sa kalinisan.
Umaasa naman si Salo na kasunod ng anunsyo ng Department of Transportation na igagawad sa San Miguel Corporation ang kontrata para sa operasyon, pamamahala at upgrade ng NAIA ay mapagbubuti ang mga pasilidad nito.
“We trust that the envisioned NAIA upgrade will be undertaken soonest to finally and permanently address such concerns,” pagtatapos ni Salo. | ulat ni Kathleen Forbes