Muling binigyang diin ng Kamara ang kahalagahan na kagyat nang maipasa ang economic charter change na nakapaloob sa Resolution of Both Houses 6 at 7.
Ayon kay Deputy Speaker David Suarez, matagal na niyang sinasabi na mahalaga ang timing ng pagpapatibay sa econ chacha dahil sa mahahati na aniya ang atensyon ng mga mambabatas sa pagtalakay sa 2025 national budget, at paghahanda sa 2025 midterm elections.
Maliban dito, maganda aniya na maaprubahan ng kapwa Senado at Kamara ang econ chacha upang sakaling may kumuwestiyon dito at iakyat sa Korte Suprema ay may sapat pa ring oras para talakayin, at maresolba ang ano mang constitutional challenge.
Aniya, kung matapos agad ang econ chacha at ang mga kuwestiyon kaugnay dito ay mas maaga rin itong maisasalang para sa plebesito.
Ganito rin ang posisyon ni 1-Rider Party-list Rep. Rodge Gutierrez.
Kaya naman panawagan nila sa mga kasamahang senador na bigyang prayoridad ito. | ulat ni Kathleen Forbes