Pursigido ang Department of Transportation (DOTr) na matapos sa itinakdang limang taon ang pagtatayo sa 147 kilometrong urban rail system na North-South Commuter Railway (NSCR).
Ito ang iginiit ni Transportation Undersecretary for Railways Jeremy Regino sa kabila ng mga kinahaharap nilang hamon partikular na ang right of way at resettlement sa mga informal settler na nakatayo sa ruta ng naturang railway system.
Ayon kay Usec. Regino, nagdodoble kayod ang kagarawan upang agad maisaayos ang naturang hamon dahil ito aniya ang susi para sa ganap na pagsasakatuparan ng naturang proyekto.
Dagdag pa ng opisyal, nagtutulungan ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang tiyaking may malilipatan ang mga informal settler na nakatayo sa ruta ng NSCR sa lalong madaling panahon.
Lubhang mahalaga ayon kay Usec. Regino ang NSCR sa paglago ng ekonomiya na makapagbibigay ng oportunidad sa iba pang rehiyon at lalawigan na masesebisyuhan nito.
Sakaling matapos na ang North-South Commuter Railway, aabot sa 50 porsyento ang matitipid sa biyahe ng mga pasahero nito mula Calamba sa Laguna patungong Clark sa Pampanga na magsisilbi ring express service patungong Clark International Airport.
Una nang inanunsyo ni Regino ang pansamantalang pagtigl ng operasyon ng Philippine National Railway (PNR) na bumibiyahe mula Gov. Pascual sa Malabon patungong Tutuban sa Maynila gayundin mula Tutuban patungong Alabang sa Muntinlupa sa March 31.
Ito’y para bigyang-daan ang pagtatayo ng NSCR kung saan, inaasahang makatitipid ang pamahalaan ng mahigit ₱15-bilyong piso sa sandaling maresolba na ang naturang hamon.
Maliban sa NSCR, sinabi ni Regino na minamadali na rin ang pagresolba sa right of way requirement sa Metro Manila Subway Project na babagtas naman mula Valenzuela City patungong NAIA. | ulat ni Jaymark Dagala