Nanawagan si ANAKALUSUGAN party-list Rep. Ray Reyes na palakasin pa ang programa ng pamahalaan kontra tuberculosis.
Kasunod ito ng paggunita sa World Tuberculosis Day nitong March 24.
Umaasa ang mambabatas na madinig at mapagtibay na ang inihaing House Bill 9799 na layong amyendahan ang RA 10767 Comprehensive Tuberculosis Elimination Plan Act.
Aniya, matapos ang naging COVID-19 pandemic ay lumabas na marami sa ating healthcare policy ang kailangan nang i-update.
Giit pa nito na tatlong dekada nang may public health emergency para sa TB ngunit napakalayo pa rin natin sa pagsugpo nito.
Tinukoy ni Reyes na mayroon lamang walong bansa sa buong mundo na siyang bumubuo sa 2/3 ng lahat ng kaso ng TB, kung saang pitong porsyento ay sa Pilipinas.
Suportado naman ng party-list solon ang plano ng DOH na mag-deploy ng mga portable X-Ray sa mga malalayong lugar gayundin ang pagpapalakas sa information at education campaign upang maalis ang stigma sa TB.
“Stigma surrounding the disease, availability of funds and medication, as well as places where treatment and medicine are easily procured must be addressed,” ani Reyes. | ulat ni Kathleen Jean Forbes