Nagpaalala si Senadora Grace Poe sa mga lokal na pamahalaan na tiyaking may maiiwang magbabantay at mangangasiwa sa mga animal pound ngayong Semana Santa.
Ayon kay Poe, dapat may maiwang tauhan na du-duty sa mga shelter na magpapakain sa mga hayop doon.
Ang paaalalang ito ng senadora ay kasunod ng napaulat na pusang kumakain ng kapwa nila pusa sa isang city pound.
Sinabi ng senadora na hindi ito mangyayari kung naalagaan lang ng maayos ang mga pusa at hindi na dapat maulit ang insidenteng gaya nito.
Binigyang diin ni Poe na kahit na Holy Week ay obligasyon pa rin ng mga city pound na bantayan, pakainin at alagaan ang mga hayop na nasa kanilang pangangalaga.
Ang mga kabahayan rin aniya ay may parehong responsibilidad na tiyaking ang kanilang mga pets ay maaalagaan pa rin sakaling aalis sila ng kanilang tahanan ngayong Semana Santa.
Kasama na dito ang pagtitiyak na mayroong sapat na makakain, maiinom na tubig at espasyo ang mga maiiwang alagang hayop.| ulat ni Nimfa Asuncion