Patuloy pa ring natatapyasan ang lebel ng tubig sa mga dam sa Luzon dahil sa kakulangan ng ulan sa watershed.
Batay sa update ng PAGASA Hydrometeorology Division, kaninang umaga ay bumaba pa sa 204.68 meters ang lebel ng tubig sa Angat Dam, higit dalawang metro na ang agwat mula sa 206.35 meters water elevation ng dam noong nakaraang linggo.
Gayunman, malayo-layo pa naman ito sa minimum operating level ng dam na 180 meters.
Bukod sa Angat Dam, lahat na rin ng dam na binabantayan ng PAGASA sa Luzon ay nagkaroon ng tapyas.
Pinakamalaki ang naitalang tapyas ngayong araw sa Binga Dam na nabawasan ng kalahating metro at nasa 571.54 meters at Pantabangan Dam na natapyasan ng 32 sentimetro at ngayo’y nasa 189.24 meters. | ulat ni Merry Ann Bastasa