Natapos na ng Pamahalaang Lungsod ng Antipolo ang pagkakabit ng may 2,000 ceiling fans sa may pitong pampublikong paaralan sa lungsod.
Batay sa anunsyo ng Antipolo City LGU, layon ng pagkakabit ng mga orbit fan na tiyaking kumportable ang mga mag-aaral gayundin ang mga guro sa kanilang klase.
Ito’y bilang tugon na rin sa nararanasang mainit na panahon na pinalala pa ng El Niño Phenomenon.
Ayon sa Antipolo LGU, mahalaga na may sapat na bentilasyon ang mga silid aralan upang maibsan ang alinsangan ng panahon lalo na sa tuwing tirik ang araw.
Kasama sa mga paaralan na kinabitan ng orbit fans ang Tanza Elem. School, Bagong Nayon II Elem. School, Peace Village Elem. School, Inuman Elem. School, Bagong Nayon II Nat’l High School at Bagong Nayon IV Elem. School.
Nakatakda namang kabitan ng mahigit 600 units ng orbit fans ang mga bagong tayong gusaling paaralan sa mga susunod na araw sa pangunguna ng Electrical Division Group at City Engineering Office. | ulat ni Jaymark Dagala