Nangako ang Australian Embassy ng kanilang buong suporta sa reform agenda ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang tiniyak ni Australian Ambassador to the Philippines Hae Kyong Yu kay Finance Secretary Ralph Recto sa kaniyang follow-up courtesy visit sa Department of Finance.
Tinalakay ng dalawang opisyal ang mga business interest ng Australian investors kasunod ng matagumpay na Philippine Business Forum sa nasabing bansa kamakailan.
Ayon ay Ambassador Yu, interesado ang ilang investors sa key sectors sa bansa gaya ng edukasyon, clean energy, mining, food, agriculture, at shipbuilding.
Binanggit din ni Yu ang interest ng Australia Superannuation Pension Fund na mamuhunan sa infrastructure project ng bansa sa pamamagitan ng asset management companies at ng Maharlika Investment Fund (MIF).
Sinabi naman ni Recto na patuloy ang ginagawang reporma ng gobyerno upang buksan ang bansa sa foreign investment at isa na dito ang amyenda sa CREATE Act at ang rationalization ng Mining Fiscal Regime.
Diin ni Ambassador Yu, handa ang kanilang bansa na tumulong sa pagkamit ng Pilipinas ng mga development goals nito. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes