Napigilan ng mga kawani ng Bureau of Immigration (BI) ang pag-alis ng isang 34-anyos na babae sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 na biktima umano ng human trafficking matapos magpanggap ito bilang isang Interpol agent.
Sinasabing patungo ng Bangkok, Thailand ang fake interpol agent at nasa ilalim daw ito ng Protective Intelligence Anti-Crime Organization (PIAO).
Ipinakita umano ng nasabing biktima ang ID nito at letter orders mula sa PIAO na nagsasaad na pwede itong mag-travel para magbakasyon pero ilang inconsistencies ang napansin ng sumuring immigration officer at ni-refer ito para sa secondary inspection.
Dito na umamin ang biktima na peke ang mga dokumentong dala nito at hindi ito isang agent mula sa interpol. Ni-recruit lang umano siya mula sa Facebook bilang household service worker sa Thailand na may alok na sahod na ₱40,000.
Sinabi naman ni BI Commissioner Norman Tansingco na iba’t ibang istorya at mga dokumento na ang ginagamit ng mga trafficker para mapaalis ng bansa ang mga biktima nito pero ayon sa Commissioner, well trained ang kanilang mga immigration officers para mahadlangan ang mga ganitong mga tangka ng trafficking.
Dinala naman ang nasabing biktima sa inter-agency council against trafficking para sa pag-file ng kaso laban sa kaniyang mga recruiter. | ulat ni EJ Lazaro