Inirekomenda ng Maritime Industry Tripartite Council of the Philippines sa International Bargaining Forum na ituring nang “war-like zones” ang bahagi ng Red Sea at ang kabuuan ng Gulf of Aden
Ginawa ng MITC ang rekumendasyon kasunod ng pagpupulong na pinangasiwaan ng Department of Migrant Workers (DMW) dulot ng nagpapatuloy na missile at drone attacks ng Houthi rebels na nakikisimpatiya sa grupong Hamas ng Palestine.
Sa kaniyang panig, sinabi ni DMW Officer-In-Charge, Usec. Hans Leo Cacdac na ang mga Pinoy seafarer ay hindi sundalo kaya’t hindi nila hahayaang malagay ang seguridad at kaligtasan ng mga ito sa balag ng alanganin.
Ang International Bargaining Forum ay siyang tumatayong tagapamagitan sa International Transport Port Workers Federation at International Maritime Employers para bumuo ng isang Joint Negotiating Group.
Dahil dito, sinabi ni Cacdac na magkakasa sila ng angkop na proseso at mekanismo bilang regulatory body para mabigyan ng kapangyarihan ang mga mandaragat na tumangging sumampa sa mga barkong maglalayag sa mga itinuturing na war-like zones. | ulat ni Jaymark Dagala