Malaki na ang pinagbago ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao o BARMM lalo na sa usaping pangkapayapaan.
Ito ang sinabi ni House Deputy Minority Leader at Basilan Representative Mujiv Hataman kasabay ng paggunita sa ika-10 taong anibersaryo ng pagkakalagda sa Comprehensive Agreement on the Bangsamoro.
“As a former governor of ARMM, I had the privilege of witnessing firsthand how the peace process evolved and flourished under the Aquino administration, culminating in its finalization during the Duterte administration. Peace is integral to the progress and development of BARMM, and the CAB has provided the framework upon which we can build a more inclusive and prosperous society for all,” sabi ni Hataman
Kasabay nito ay iginiit ni Hataman ang kahalagahan ng gaganaping 2025 BARMM elections upang mapamunuan na ang rehiyon ng mga inihalal ng mga residente.
Sa nakalipas na limang taon kasi ay itinatalaga ng Pangulo ng bansa ang mga leader ng Bangsamoro Transition Authority.
Magkakaroon sana ng halalan noong 2022 ngunit pinalawig ng Kongreso ang BTA ng tatlo pang taon.
Para kay Hataman ang idaraos na BARMM elections ang magiging sukatan ng demokrasya at kapayapaan sa rehiyon.
Matatamasa aniya ang tunay na kalayaan kapag nakapili na mga pinuno ang taumbayan kaya kailangang magtulungan ang lahat para sa kapayapaan sa Bangsamoro.
“Ang halalan sa susunod na taon ang tunay na esensya ng kapayapaan at demokrasyang ipinaglaban natin sa Bangsamoro, dahil may kalayaan na ang mamamayan na pumili ng mga taong mamumuno sa rehiyon.” dagdag niya. | ulat ni Kathleen Forbes