Inatasan ng Presidential Task Force El Niño ang Bureau of Fire Protection (BFP) na inspeksyunin at tiyakin ang kaligtasan sa sunog ng lahat ng ospital at pampublikong pasilidad pangkalusugan.
Ang direktiba ay binigay ni Task Force El Niño Chairperson, Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro sa ika-4 na pagpupulong ng Task Force.
Ayon kay Sec. Teodoro, mahalagang matiyak ang ligtas na kapaligiran partikular sa mga nangangailangan ng medikal na atensyon.
Sinabi naman ni Police Captain Umar Aduca, ang kinatawan ng BFP sa pagpupulong na agad siyang makikipag-coordinate kay Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. kaugnay ng atas ni Sec. Teodoro.
Ang Task Force El Niño ay binuhay ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamumuno ni Sec. Teodoro para bumuo ng komprehensibong disaster preparedness and rehabilitation plan sa pagtugon sa El Niño at La Niña, upang maibsan ang epekto ng tagtuyot at matinding pag-ulan sa bansa. | ulat ni Leo Sarne