Pinuri ni Agri Partylist Rep. Wilbert Lee ang mataas na utilization rate ng Rice Competitiveness Enhancement Fund Mechanization Program.
Ayon sa Bicolano solon na-maximize ang paggamit ng pondo para tulungan ang mga Pilipinong magsasaka at makamit ang hangad na food security kung may mga karagdagang post-harvest facilities tulad ng cold storages, dryers at transport facilities.
Ginawa ni Lee ang pahayag kasunod ng ulat ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) na 91.6 percent utilization rate at paghahatid para sa mga makina na binili sa ilalim ng RCEF.
Maaalalang taong 2019 nang nasa 36.54 percent lamang ang utilization rate ng RCEF.
Nananawagan naman ang mambabatas sa PhilMech na pabilisin pa ang pamimigay ng post harvest equipment sa pamamagitan ng pinasimple at pinadaling requirements mula sa mga magsasaka at kooperatiba.
Samantala, naghain din ng Resolution 11203 ang party-list solon para tukuyin at suriin ang pagpapalawig ng programa ng RCEF.
Ang RCEF ay six-year allocation ng P10 bilyon na nagsimula noong 2019 sa ilalim ng Rice Tariffication Law na naglalayong iangat ang buhay ng mga magsasaka at i-liberalize ang rice trade policy. | ulat ni Melany Valdoz-Reyes