Nakapagtala ng mataas na bilang ng mga namamataang barko ng China sa bahagi ng Bajo de Masinloc o Scarborough Shoal sa West Philippine Sea.
Ito ang tinuran ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson, Col. Francel Margareth Padilla sa pulong balitaan sa Kampo Aguinaldo kahapon.
Sinabi ni Padilla na buhat nitong Martes, March 19 ay nasa walong Chinese Maritime militia vessels, habang anim naman ang barko ng China Coast Guard ang namataang nakapalibot sa nasabing bahura.
Sa kaniyang panig, sinabi naman ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea, Commodore Roy Vincent Trinidad na ayaw nilang gumawa ng ispekulasyon hinggil sa pagdami ng mga barko ng China sa nasabing lugar.
Muling iginiit ni Trinidad na hindi nakaka-alarma ang naturang bilang lalo’t normal na aktibidad lamang ang ginagawa nito kumpara sa mga naitatala nilang bilang sa mga nakalipas na panahon.
Gayunman, sinabi ni Trinidad na sa sandaling magkaroon na ng malaking pagbabago sa ikiniikilos ng China sa bahaging iyon ng karagatan, doon na dapat maalarma ang Pilipinas at dapat nang maghanda. | ulat ni Jaymark Dagala