Umakyat na sa 911,000 ang aplikasyon na natanggap ng Commission on Elections (COMELEC) para sa nagpapatuloy na voters’ registration, bilang paghahanda sa May 2025 Elections.
Sa bilang na ito, ayon kay COMELEC Spokesperson John Rex Laudiangco 500,000 dito ang mga bagong botante na.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ng opisyal na mataas ang bilang na ito kumpara sa mga nakaraang registration period ng tanggapan.
Umaasa aniya ang COMELEC, na magtutuloy-tuloy pa ang mataas na bilang na ito lalo’t nasa tatlong milyong bagong botante ang target na mairehistro ng komisyon.
Umaasa aniya sila na magpaparehistro na rin ang mga Pilipino abroad, lalo’t base sa datos nasa higit 10 milyon ang Filipinos overseas, ngunit nasa 1.6 million lamang ang nakarehistro sa talaan ng komisyon.
Mula sa bilang na ito, nasa 600,000 o wala pang 40% ang bumoto noong nakaraang national elections.
“Sana sumali sila dahil by 2025, ipapatupad ng COMELEC ang online vote system at counting system o internet voting na magpapadali ng kanilang pagboto lalo’t mabibigyan ng pagkakataon ang mga kababayan nating marino na malamang naka-deploy sa mga karagatan, during the elections.” -Laundiangco | ulat ni Racquel Bayan