Kumpiyansa si Senior Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr. sa positibong maiuuwi ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa kanyang biyahe sa Germany at Czech.
Ayon kay Gonzales ang Pangulo ang “best salesman” at “principal OFW welfare protection advocate.”
Naniniwala din ang House leader na mas marami pang dayuhan ang magiging interesado na mamuhunan sa bansa kapag naamyendahan na ang restrictive economic provision ng Saligang Batas.
“I think this is one reason why he has been seriously pushing for the amendment of the restrictive economic provisions. The lifting of foreign equity and ownership limitations will strengthen the investment mission part of his foreign trips,” ayon sa mambabatas.
Iginiit ni Gonzales na kinakailangan ng Pangulo ang suporta ng buong bansa upang makahikayat ng mas maraming dayuhang mamumuhunan at protektahan ang interes ng bansa sa pamamagitan ng pakikipagpulong nito sa mga dayuhang lider at negosyante.
Sa pinakahuling biyahe niya sa Melbourne, umabot sa kabuuang $1.53 bilyong (P86 bilyon) halaga ng investment ang naiuwi ng Pangulo mula sa 12 business agreement sa sektor ng renewable energy, clean technology, recycling solutions, housing, IT infrastructure, medical devices, at digital health services.| ulat ni Melany V. Reyes