Nanawagan si Makati City Representative Luis Campos Jr. para sa mas mahigpit na oversight ng Kongreso kaugnay sa ₱9-billion Rice Buffer Stocking Program ng pamahalaan, kasunod ng preventive suspension na ipinataw ng Ombudsman sa higit 100 opisyal ng National Food Authority (NFA) dahil sa bigas scam.
Aniya kailangan bantayan ng Kongreso ang buffer stocking program upang matiyak na may sapat na suplay ng bigas na magagamit ang pamahalaan oras na may tumamang kalamidad kasabay ng pagsiguro ng suporta sa mga magsasaka.
“We are counting on the Congressional Oversight Committee on Agricultural and Fisheries Modernization to conduct inquiries and draw up recommendations to promote greater transparency and accountability in the buffer stocking operations,” sabi ni Campos.
Ngayong taon ay naglaan ang pamahalaan ng ₱9-bilyong pondo para sa programa, bukod pa sa ₱9 na bilyon din noong 2023.
Mayroon ding hiwalay na ₱5-bilyon para sa konstruksyon, pagsasaayos at rehabilitasyon ng NFA warehouses ayon sa Committee on Appropriations vice-chair.
“We support the forceful measures taken by President Ferdinand R. Marcos Jr., Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., and Speaker Martin Romualdez to ensure that the buffer stocking program’s supplies are used responsibly,” giit ng mambabatas.
Sa ilalim ng buffer stocking kailangan na magkaroon ng inventory ng bigas na maaaring ipamahagi sa panahon ng kalamidad.
Ipinagbibili din ito sa ilang ahensya ng pamahalaan gaya ng NDRRMC, DSWD, at BJMP.
Ang mga bigas naman na kukunin para sa buffer stock at kukunin sa lokal na mga magsasaka. | ulat ji Kathleen Jean Forbes