Inihayag ng Bureau of Immigration ang kanilang gagawing paglulunsad na nationwide service caravan, na layong magbigay ng maginhawang access sa mga mahahalagang serbisyo para sa mga dayuhan sa mga piling lugar sa buong Pilipinas.
Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, sisimulan ngayon araw sa Garden Orchid Hotel sa Zamboanga City ang caravan.
Kabilang pa sa alok ang mabilis na pagproseso sa iba’t ibang mga transaksyon tulad ng tourist visa extensions, exit clearances, dual citizenship applications, at iba pang essential clearances.
Sa pamamagitan ng caravan ay maaari ring dumulog o magsampa ng kanilang reklamo laban sa mga iligal na dayuhan sa kanilang lugar.
Hinihikayat ni Tansingco ang mga residente na samantalahin ang service caravan at gamitin ang mga pinabilis na serbisyong inaalok ng BI.
Para sa karagdagang impormasyon at update sa schedule at lokasyon ng service caravan, maaaring bisitahin ng mga interesadong aplikante ang opisyal na website ng Bureau of Immigration sa www.immigration.gov.ph. | ulat ni Michael Rogas