Aprubado na ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang ordinansa ukol sa pagpapatupad ng Calorie Labelling Policy sa Lungsod Quezon.
Sa ilalim ng polisiyang ito, minamandato ang mga restaurants at iba pang food businesses sa lungsod na ilagay ang calorie count ng kanilang mga ibinibentang pagkain.
Ayon kay QC Mayor Joy Belmonte, layon nitong hikayatin ang mga residente sa lungsod na piliin ang healthy lifestyle at makaiwas sa mga noncommunicable diseases.
Kasunod nito, nilinaw ng alkalde na hindi sakop ng polisiya ang mga maliliit na negosyante, ambulant vendors, at mga karinderya sa lungsod.
Gayunman, kung magkukusa naman ang mga itong maglagay ng calorie label ay maaari silang makatanggap ng insentibo mula sa lokal na pamahalaan.
Sa ngayon, binabalangkas na ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng ordinansa at matapos itong maaprubahan, may 1 taong grace period pa bago ito tuluyang ipatupad sa lungsod.
Ang naturang Calorie Labeling Policy ay kauna-unahang inisyatibo sa Southeast Asia. | ulat ni Merry Ann Bastasa