Pinabulaanan ni Commission on Higher Education (CHED) Chairperson Popoy de Vera ang mga alegasyon ng korapsyon sa kanya ng nasuspindeng CHED Commissioner Aldrin Darilag.
Kasunod ito ng paghahain ng reklamo ni Darilag sa Ombudsman partikular ang paglabag sa Graft and Corruption at Grave Abuse of Authority nang bigyan umano ng pabor ni De Vera ang isang supplier para makakuha ng kontrata sa ahensya.
Sa isang pahayag, nilinaw ni De Vera na wala ito sa posisyon para manipulahin ang mga procurement sa ahensya dahil hindi ito parte ng anumang Bids and Awards Committee (BAC) sa CHED o sa kahit anong state university o kolehiyo.
Ayon pa kay De Vera, anumang reklamo sa paglabag sa bidding procedures ay dapat idulog at resolbahin ng CHED Commission En Banc o ng Board of Regents ng SUCs.
Kaugnay nito, ipinaliwanag din ng CHED chairperson na ang 90-day suspension na ipinataw kay Darilag ay inisyu ng Executive Secretary kasunod ng direktiba ng Office of the President (OP).
Inatasan na rin aniya ng OP ang CHED na bumuo ng fact finding committee sa mga alegasyon laban kay Darilag.
“The OP also instructed CHED to form a fact finding committee. The Fact Finding Committee is currently looking into the allegations raised against Darilag. The Committee will report their findings to CHED, who will thereafter submit such reports to the Executive Secretary,” ani De Vera.
Sa huli, sinabi ni De Vera na hindi nito pinagbabawalan ang mga staff ni Commissioner Darilag na magtrabaho sa CHED dahil wala namang memo laban sa kanila. | ulat ni Merry Ann Bastasa