Pormal nang inireklamo ng kasong katiwalian sa Office of the Ombudsman si Commission on Higher Education (CHED) Chairman Prospero De Vera III.
Batay sa 5 pahinang complaint-affidavit ni CHED Commissioner Aldrin Darilag , inireklamo niya si De Vera ng paglabag sa graft and corruption at grave abuse of authority nang bigyan niya ng pabor ang isang supplier para makakuha ng kontrata sa ahensya.
Sinabi ni Darilag, mismong siya ang inutusan ni De Vera na suportahan ang kumpanyang ASPEN kahit hindi kwalipikado bilang supplier ng CHED.
Inakusahan din nito ang CHED Chairman ng pangha-harass at at pang-aapi matapos na hindi siya bigyan ng due process nang mapatawan ng 90- days preventive suspension ng Office of the President noong Enero 2024.
Hindi rin siya binigyan ng kopya ng complaint at hindi binigyan ng pagkakataon na makapaghain ng counter-affidavit.
Nag-utos din aniya si De Vera na huwag siyang papasukin sa CHED premises para sana makuha ang kanyang laptop at mga personal na kagamitan.
Maging ang kanyang mga staff ay pinagdududahan din at pinadadaan sa matinding inspeksyon sa tuwing pumapasok sa naturang tanggapan.| ulat ni Rey Ferrer