Pansamantalang isinara sa mga motorista ang bahagi ng Quirino Avenue Northbound mula Osmeña Highway hanggang Gil Puyat matapos sumadsad ang isang chemical tanker na may kargang hydrochloric acid bandang alas-4:00 kaninang umaga.
Dahil sa pagsadsad ng nasabing trak ay tumagas ang dala nitong kemikal na agad namang nirespondehan ng Manila Special Rescue Force, Bureau of Fire Protection (BFP), at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Naitabi na rin ang sangkot na tanker sa gilid ng kalsada at nagsagawa ang mga kawani ng BFP ng flushing operations para sa tumagas na kemikal at petrolyo.
Ayon sa mga awtoridad, naubos na ang laman na kemikal ng tanker kaya wala na ang banta ng anumang leak.
Bago naman mag-alas-12:00 ng tanghali kanina, muli nang binuksan sa mga motorista ang isinarang kalsada. | ulat ni EJ Lazaro