Ikinalungkot ni Sen. Grace Poe ang panibagong water cannon attack ng China sa supply vessel ng Pilipinas kung saan tatlong tauhan ng Philippine Navy ang nasaktan.
Ito ay matapos ang ginawang water cannon attack ng china coast guard nitong Sabado sa sasakyang pandagat ng Pilipinas na layong magdala ng mga supplies sa BRP Sierra Madre sa gitna ng Ayungin Shoal.
Binigyang diin ni Poe na dapat nang matigil ang ganitong hindi sibilisadong aksyon.
Dapat aniyang panagutin ang Chinese vessel na responsable sa injury na natamo ng ating tropa.
Pinunto pa ng senadora na tila lumalala nang lumalala ang ginagawang aksyon ng China sa ating mga tropa sa West Philippine Sea, mula sa pagbuntot, sa pagbangga at sa water cannon assaults na ginagawa ng mga ito.
Habang nagpapatuloy aniya ang ginagawang legal, lehitimo at kalmadong pagtugon ng Pilipinas sa mga nangyayari, giniit ni Poe na kailangan pa ring manghingi ang ating bansa ng accountability sa mga pinsalang idinudulot ng mga askyon ng China.| ulat ni Nimfa Asuncion