Seselyuhan na ng Commission on Elections (COMELEC) at Miru Systems Company Limited ang kontrata para sa gagawing 2025 Midterm Elections.
Alas-10 ng umaga sa COMELEC Intramuros, pangungunahan ni Chairman George Erwin Garcia at mga commissioner ang pakikipagkasundo sa mga kinatawan ng Miru Systems Company Limited.
Ang naturang kompanya ang nagwagi sa nakaraang bidding para mag-provide ng teknolohiya na gagamitin para sa pagsasagawa ng 2025 Midterm Elections.
Kasama rin dito ang pag-supply ng 110,000 na mga makina, ballot boxes, printing of ballots, mga laptops, at iba pa.
Ngunit ang kontrata ay limitado lamang sa pagrenta ng COMELEC sa mga teknolohiya at kagamitan ng Miru Systems.
Maliban dyan, kasama rin ang Transparency Audit/Count (FASTrAC) para sa 2025 National and Local Elections.
Nagpasalamat naman ang Miru Systems Company Limited, sa pagtitiwala sa kanila ng COMELEC at tiniyak na susunod sila sa Terms of Reference kasabay ng paniniguro ng isang malinis at payapa na halalan sa 2025. | ulat ni Mike Rogas