Matapos ang anim na araw ng deliberasyon ay tuluyan nang inaprubahan ng Committee of the Whole House ang Resolution of Both Houses No. 7.
Ang RBH 7 ay katulad ng RBH 6 na nakahain ngayon sa Senado na nagsusulong para sa pag-amyenda ng economic provisions ng 1987 Constitution sa pamamagitan ng paglalagay ng katagang ‘unless otherwise provided by law.”
Partikular dito ang Articles 11, 14 at 16 na tumutukoy sa pagmamay-ari ng mga dayuhan sa public utilities, edukasyon at advertising.
Ayon kay Mandaluyong Rep. Neptali Gonzales II, na nagsilbing majority leader ng Committee of the Whole posible na Miyerkules ng susunod na linggo ay maaprubahan ang RBH 7 sa ikalawang pagbasa.
“Based on the timeline shared with me, [March] 11, 12, 13 will be the second reading…I guess maa-approve ito on second reading by Wednesday next week,” saad ni Gonzales.
Positibo naman si Gonzales na magiging mabilis lang ang pagtalakay nila sa ikalawang pagbasa dahil mga sponsor na lang ng RBH 7 ang sasalang sa interpelation.
“Mas mabilis ang second reading because it will be limited to the interpellation of the members. Unlike in the committee level, kaya tumatagal ‘yan because may direct questions to the resource speakers. But when we go on second reading ang tinatanong nalang is the sponsor. And then any questions must be addressed to the sponsor who should answer all the interpelating questions to be done by any of the Members.” dagdag niya
Ikinalugod naman ni 1-RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez ang resolusyong inihain sa Senado na nagpapanukala sa panuntunang susundin sa isinusulong na charter amendment.| ulat ni Kathleen Forbes