Dapat ay napaghandaan na ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno at mga water concessionaire ang sinasabing posibleng kakulangan ng tubig dahil sa epekto ng El Niño.
Ito ang giniit ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senadora Grace Poe sa pahayag ng MWSS na posibleng makaranas ng water interruption ang kanilang mga costumer kasunod ng pagbabawas nila ng water pressure.
Ayon kay Poe, paulit-ulit nang nararanasan ang kakulangan ng tubig tuwing tag-init kaya dapat ay alam na ng lahat ng kinauukulang ahensya at mga water companies ang gagawin at tiniyak na hindi na mararanasan ng mga consumer ang kakapusan sa suplay ng tubig.
Ito lalo na aniya’t malaki ang epekto ng kawalan ng tubig sa mga kabahayan, negosyo, paaralan at iba pang consumer.
Pinunto pa ni poe na para sa isang bansa tulad Pilipinas, na binibisita ng nasa 21 bagyo kada taon, dapat na nag invest at nagpatayo na ang mga water concessionaire ng mas mahusay na water infrastructures.| ulat ni Nimfa Asuncion