Ipinag-utos ng Department of Agriculture (DA) ang paglilipat ng kapangyarihan ng mga suspendidong managers at empleyado ng National Food Authority (NFA) sa kanilang mga deputy.
Ito ay upang mabuksan na ang mga ipinasarang mga bodega ng palay at bigas ng NFA.
Nasa 99 na mga bodega ng NFA ang nananatiling sarado matapos suspindihin ng Office of the Ombudsman ang 141 na mga opisyal at kawani ng ahensya, sa gitna ng mga alegasyon ng maanomalyang pagbebenta ng buffer stock ng bigas.
Nauna rito, nasa 24 na empleyado ng NFA ang binawi ang preventive suspension order.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco P. Tiu Laurel Jr. na siya ring namumuno sa NFA Council, na ang muling pagbubukas ng mga ipinasarang bodega ay makakatulong na maibalik sa normal ang operasyon ng ahensya, lalo pa at nagsimula na ring bumili ng palay mula sa mga magsasaka.
Sa ilalim ng Rice Tariffication Law, inaatasan ang NFA na panatilihin ang buffer stock ng bigas na sapat para sa siyam na araw na pagkonsumo, upang magkaroon ng mga kinakailangang suplay sa panahon ng kalamidad. | ulat ni Rey Ferrer