Pinasasaprayoridad ng Department of Agriculture (DA) sa National Food Authority (NFA) ang paglalaan nito ng rice buffer stock sa disaster response agencies.
Sa isang pahayag, ipinunto ni DA Assistant Secretary Arnel de Mesa na kasama sa pangunahing mandato ng NFA ang matiyak na matutugunan ang pangangailangan sa pagkain partikular ang bigas sa mga tinatamaan ng kalamidad o sakuna sa bansa.
Importante aniya na may bigas na mailalaan ang NFA sa disaster response agencies gaya ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) lalo ngayong may panibagong banta ng La Niña.
Bukod sa DSWD, maaari din aniyang maisama sa priority list ng NFA ang Office of the Civil Defense (OCD), National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Una nang tiniyak ng DA na hindi tumitigil ang NFA sa mandato nitong pagbili ng palay sa mga magsasaka lalo na ngayong simula na ng anihan.
Dagdag pa nito, may nakalaang pondo na ₱17-billion ang NFA para bumili ng palay sa mga magsasaka kasama na ang natirang pondo nitong ₱8-billion noong nakaraang taon. | ulat ni Merry Ann Bastasa