Isinusulong ni Senate Committee on Labor Chairman Senador Jinggoy Estrada na mataasan ang sweldo ng mga civilian government employees.
Sa pamamagitan ng inihaing Senate Bill 2611 o ang panukalang Salary Standardization VI ni Estrada, nais ng senador na makapagpatupad ng dagdag sahod sa mga kawani ng pamahalaan sa apat na tranches mula taong 2025 hanggang 2028.
Ayon sa senador, sinulong niya ito ay para matulungan ang mga government employees na makaagapay sa tumataas na presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aniya, isa itong paraan para kilalanin ng pamahalaan ang serbisyo at dedikasyon sa trabaho ng mga kawani nito.
Iginiit rin ni Estrada na layon ng panukala niyang ito na gawing mas competitive ang compensation ng mga government employees at para mapanatili rin sa gobyerno ang mga kasalukuyang empleyado nito at makahikayat pa ng mga bagong manggagawa sa public sector.
Nilinaw naman ng senador na ang panukala niyang ito ay magiging applicable lang sa mga civilian government employees sa executive, legislative at judicial branches.
Kabilang na dito ang Constitutional Commissions, State Universities and Colleges, Government-Owned or Controlled Corporations (GOCCs) na hindi sakop ng Republic Act No. 10149, Government Financial Institutions, at local government units (LGUs). | ulat ni Nimfa Asuncion