Magkasamang lumagda ng kontrata ang Department of Energy (DOE) kasama ang Mainstream Renewable Power para sa dalawang magkahiwalay na proyekto para sa pagtatatag ng mga onshore wind projects na may kabuuang energy capacity na aabot sa 440 megawatts (MW) para sa mga probinsya sa Luzon at Visayas.
Isasagawa ang unang offshore wind project sa probinsya ng Cagayan na may capacity na 100 megawatts (MW) habang ang nalalabing 340 megawatts (MW) ay bahagi naman ng Panaon Wind Project sa Panaon Island sa Leyte.
Sinasabing ito ang kauna-unahang wholly owned onshore service agreement sa Pilipinas ng kompaniyang Mainstream at isa sa mga unang 100 percent foreign-owned companies na nag-develop ng indigenous at renewable energy sources sa bansa.
Ayon kay DOE Sec. Raphael Lotilla, sa paglagda ng mga kontratang ito ay mapapabilis ang implementasyon sa hangarin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na i-develop ang indigenous at renewable energy sources ng bansa kasunod ng pag-lift sa foreign ownership restriction sa renewable energy development.
Ibinahagi naman ni Eduardo Karlin, General Manager for Asia Pacific ng Mainstream, na handa itong umagapay sa energy transition ng bansa at makamit ang targets nito sa renewable energy share para sa taong 2030 at 2050.
Inaasahan naman na magsisimula ang konstruksyon para sa mga nasabing proyekto sa huling bahagi ng 2024 at ang commercial operation nito sa taong 2026. | ulat ni EJ Lazaro