Inihayag ni dating National Security Adviser at retired UP Professor Clarita Carlos ang pagsuporta sa panukalang pag-amyenda sa economic provisions ng Saligang Batas na tinatalakay ng Committee of the Whole House.
Sa pagsalang ng Resolution of Both Houses No. 7 (RBH-7) sa ika-apat na pag-dinig partikular sa probisyon patungkol sa edukasyon, sinabi ni Carlos na ang Konstitusyon ay dapat sumalamin sa kasalukuyang sitwasyong politikal at pang ekonomiya ng bansa.
Punto niya, kung ang batayang batas ng bansa ay hindi na nakakasabay sa nagbabagong panahon ay kailangan itong baguhin o i-reset.
“Let us build bridges, not walls, to the rest of the world…Constitution should be facilitative, not restrictive,” giit ni Carlos.
Sabi pa nito na ang mga tutol sa pagbubukas ng edukasyon sa foreign investors ay dapat isipin ang ambag nito sa ‘effective learning’ kasya sa isyu ng pagmamay-ari.
Binigyan diin naman ng isa pa sa resource person na si Orion Perez Dumdum ng Correct (Constitutional Reform and Rectification for Economic Competitiveness and Transformation) Movement, na kung mapahintulutan ang foreign universities na magbukas ng campus sa Pilipinas ay mas magiging mura para sa mga Pilipinong mag-aaral na makakuha ng dekalidad na foreing education.
Tinukoy pa nito na sa kaniyang dalawampung taon na pagiging OFW sa Singapore, ay ilang foreign universities ang nabuksan doon.
Habang ang Malaysia at may sampu at sa Vietnam naman ay lima.| ulat ni Kathleen Forbes