Hawak na ngayon ng Bureau of Immigration ang babaeng African national na naharang sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang African national ay nagtangkang lumabas ng bansa papuntang Europa gamit ang pekeng Schengen visa.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco, kinilala ang naturang pasahero na si Binetou Dieng, 23 taong gulang na napigilang makalabas ng bansa sa departure area ng NAIA Terminal 1.
Sakay sana si Dieng ng Eva Air flight patungong Taipei para makarating sa kanyang destinasyon sa Milan, Italy.
Nang isinalang na siya sa secondary inspection ng mga immigration supervisor ay dito rin nalaman na lahat ng kaniyang dokumento ay peke.
Kasalukuyang nasa warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang dayuhan habang inaayos na ang deportation papers nito.
Tuluyan na ring isinama si Dieng sa blacklist ng BI para hindi na muling makapasok pa sa Pilipinas. | ulat ni Lorenz Tanjoco