Muling iginiit ni Senate Committee on Public Services Chairperson Senador Grace Poe ang pangangailangan na magsagawa ng deep cleaning sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) para matiyak na mawawala ang lahat ng peste sa bawat sulok ng paliparan.
Ang pahayag na ito ng senador ay kasunod ng napaulat na pagkakaroon ng mga daga sa loob ng NAIA, isang araw matapos mag-viral ang pagkakaroon ng surot sa mga upuan ng naturang airport.
Babala ni Poe, maaaring makaapekto sa turismo ng bansa ang ganitong mga isyu dahil posibleng matakot ang mga turista sa ating paliparan.
Umaasa rin ang mambabatas na walang magiging aberya sa planong rehabilitation project ng NAIA.
Ito ay para mawala na ang lahat ng uri ng mga peste sa paliparan at mabigyan ang mga byahero ng magandang karanasan sa main gateway ng bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion