Maigting na sinusuportahan ng Department of Migrant Workers (DMW) ang naging deklarasyon ng International Bargaining Forum (IBF) na nagtuturing sa katimugang bahagi ng Red Sea at kabuuan ng Gulf of Aden bilang “war-like zones.”
Dahil dito, sinabi ni DMW Officer-In-Charge, Hans Leo Cacdac na malaki ang maitutulong ng naturang desisyon sa mga hamong kinahaharap ng mga mandaragat na Pilipino at iba pang lahi sa mga tinatawag na high-risk sea lanes.
Sa ilalim kasi ng pagiging “war-like zone” sinabi ni Cacdac na binibigyang-diin nito ang pangangailangan para paigtingin pa ang mga hakbang upang protektahan ang mga seaferer sa anumang banta at matiyak ang kanilang kaligtasan.
Sa ilalim ng naturang deklarasyon, obligado ang lahat ng shipping agencies at principals na gawin ang mga kinakailangang hakbang gaya ng pag-iwas nila sa pagdaan sa Southern Red Sea at Gulf of Aden.
Dapat ding bigyan ng ibayong pagsasanay ang mga mandaragat hinggil sa security risk at emergency protocol, gayundin ay bigyan sila ng mga karampatang kagamitan at paglalagay ng armadong tauhan at pagkakasa ng mga plano sa panahon ng karahasan.
Magugunitang ipinanawagan ng DMW at Maritime Industry Tripartite Council sa IBF na ituring nang “war-like zone” ang Southern Red Sea at Gulf of Aden matapos ang naging pag-atake ng Houti rebels sa mga barkong dumaraan sa mga naturang lugar.
Nagresulta iyon sa pagkasawi ng tatlong seaferer kabilang na ang dalawang Pinoy gayundin ang pagkasugat ng dalawa pang Pilipinong mandaragat. | ulat ni Jaymark Dagala