Pinabubusisi ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang mga impormasyon na may mga delayed na distribusyon ng ayuda, bukod sa isyu ng katiwalian.
Iginiit ni Go na dapat maging transparent, patas, at politics-free ang pamamahagi ng ayuda ng mga ahensya ng gobyerno.
Aniya, dapat maging accessible sa lahat ng Pilipinong nangangailangan at walang bias ang mga cash assistance ng gobyerno.
Pinunto ng mambabatas na pera ng bayan ang pinamamahagi bilang ayuda kaya naman dapat lang na ibalik ito sa pamamagitan ng tamang pagseserbisyo.
Sinabi rin ni Go na anumang halaga na maibibigay sa cash assistance ay malaking tulong sa buhay ng mga mahihirap nating kababayan kaya naman dapat itong agarang makarating sa kanila at huwag nang patagalin pa lalo na kung may nakalaan nang pondo.
Una nang nagpahayag ng suporta si Go sa imbestigasyon tungkol sa sinasabing katiwalian sa TUPAD Program kasabay ng paggiit na dapat suriin din ang listahan ng mga tumatanggap ng assistance para masiguro na kwalipikadong benepisyaryo lang ang makakakuha. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion