Kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na walang Pilipino na nadamay sa nangyaring pamamaril sa isang concert sa Moscow.
Ayon sa DFA, ito ang naging ulat sa kanila ng Embahada ng Pilipinas sa nasabing lugar.
Pero sa kabila nito ay mariin pa ring kinokondena ng Pilipinas ang karumal-dumal na pag-atake sa mga inosenteng sibilyan.
Ayon sa pahayag ng DFA, nakikiramay ang Pilipinas sa lahat ng pamilya na nadamay sa nasabing insidente kung saan maraming buhay ang nawala, maraming nasagutan at nawasak na ari-arian.
Umaasa ang Pilipinas na agad makakarekober ang mga nasugatan o na-injure sa nasabing insidente.
Matatandaang Biyernes ng gabi sa Russia nang biglang pasukin ng mga armadong kalalakihan ang Crocus City Hall na kilalang concert venue sa Moscow at pagbabarilin ang mga sibilyang makita ng mga ito.
Nag-iwan ang masaklap na insidente ng 130 patay habang daan-daan din ang sugatan. | ulat ni Lorenz Tanjoco