Handa na ang Department of Information and Communications Technology (DICT) sa pag-arangkada ng regional roadshow nitong magtataguyod ng Pilipinong konektado.
Ito ay tinawag na ‘Bayang Digital ang Bagong Pilipinas: DICT Regional Roadshow 2024’ na ilulunsad sa National University Clark, Pampanga simula bukas, March 14-15.
Pangungunahan ni DICT Secretary Ivan John E. Uy, partner agencies, local government officials, at iba pang stakeholders ang unang leg ng regional roadshow na magtatampok sa flagship programs ng ahensya tungo sa pagtaguyod ng isang Bayang Digital.
Kabilang sa nakalinyang mga aktibidad ang training sessions partikular ang Technical Training on Optical Cable Splicing, katuwang ang TESDA at orientation ng Philippine National Public Key Infrastructure (PNPKI) digital signature.
Ayon sa DICT, sa pamamagitan ng roadshow, umaasa itong mas maraming Pilipino at ahensya ng pamahalaan ang magiging konektado at yayakapin ang digitalisasyon.
Tatakbo ang dalawang araw na DICT Regional Roadshow mula 8:00 AM hanggang 5:00 PM. | ulat ni Merry Ann Bastasa