Umaasa ang Department of Information and Communications Technology (DICT) na mas lalawak pa ang bilang ng mga Pilipinong gumagamit ng eGov PH Super App.
Sa isinagawang 2024 Regional Roadshow ng DICT sa Pampanga, ibinida ni DICT Usec. David Almirol Jr. ang dumaraming serbisyong nakapaloob sa eGov na maaaring mapakinabangan ng publiko.
Nagsisilbi na itong one stop shop sa iba’t ibang serbisyo mula sa 97 NGAs at nasa 1,200 LGUs na naka-integrate na sa super app at madali nang ma-access ng publiko.
Tampok rin dito ang eTravel na nakatutulong na sa mga biyahero, e-commerce platform, green lanes katuwang ang BOC at ang e-report kung saan maaaring makapagsumbong ang publiko sa anumang krimen, o pang-aabuso sa mga kabataan at kababaihan.
Malapit na ring ilunsad ng DICT ang e-verify na isang verification system ng lahat ng identification cards ng user.
Ayon pa kay DICT Sec. Ivan John Uy, naka-integrate na rin sa naturang super app ang nasa 60 milyong digital national ID.
Sa kasalukuyan, aabot na aniya sa dalawang milyon ang nakapag-download ng super app na may higit 1.3 milyong active users. | ulat ni Merry Ann Bastasa