Maglulunsad ang Department of the Interior and Local Government (DILG) at Bureau of Fire Protection (BFP) ng hotline number na maaring tawagan ng mga residente sa National Capital Region para humiling ng voluntary inspection sa mga electrical connection sa kanilang tahanan para makaiwas ang kanilang mga komunidad sa pagsiklab ng sunog.
Nababahala na kasi si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa tumataas na bilang ng insidente ng sunog sa bansa.
Ayon kay Abalos, sa pamamagitan ng pagpapalawak ng serbisyo ng BFP sa antas ng barangay ay malaki ang maitutulong para mapababa ang mga insidente ng sunog na nagmumula sa napabayaang appliances.
Batay sa datos ng BFP, mayroong 3,200 na sunog na naitala sa buong bansa mula Enero hanggang Pebrero ngayong taon.
Ito ay 26% na mataas kung ikukumpara sa parehong panahon noong 2023. Nagresulta ito ng 74 na nasawi at nasugatan.
Mula sa naturang bilang, 600 na fire incidents ay naitala sa National Capital Region. | ulat ni Diane Lear