Nakipagpulong si Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa mga kinatawan ng local government units (LGUs), mga ahensya ng pamahalaan, at 200 punong barangays para talakayin ang traffic management at road safety sa National Capital Region (NCR).
Alinsunod na rin ito sa direktiba ng Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na resolbahin ang mabigat na trapiko sa Metro Manila.
Ginanap ang dayalogo sa Barangay Holy Spirit, Quezon City kuny saan kasama sa ilang natalakay ang planong regulasyon sa e-trikes at e-bikes, pagpapatupad ng barangay road clearing operations, at street pay parking ordinances ng LGUs.
Kasama sa direktiba nito sa mga LGU ang pagbuo ng green routes o mga ruta kung saan maaaring dumaan ang electric vehicles.
Ayon kay Sec. Abalos, ipepresenta kay Pangulong Marcos ang resulta ng konsultasyon sa Regional Town Hall Meeting on Traffic Management na nakaiskedyul sa March 25.
“Ang ating mahal na Pangulo ay inutusan kaming lahat para bumaba sa grassroots at pag-usapan natin ngayon (ang mga problema sa traffic at transportasyon). Gusto naming malaman ang solusyon mula sa iba’t ibang sektor,” ani Abalos.
Una na ring nakipagpulong ang kalihim sa Land Transportation Office (LTO), Department of Energy, at Department of Transportation para talakayin ang ilang traffic concerns kabilang ang e-vehicles.
“Lahat po yan ay pinag-aaralan ng technical working group at ito ay ibibigay sa mahal na Presidente. For the meantime, status quo muna ang ipinapatupad para walang gulo,” paliwanag ni Abalos. | ulat ni Merry Ann Bastasa