Inatasan ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. ang Bureau of Fire Protection (BFP) na magsagawa ng komprehensibong inspection sa electrical system ng Philippine General Hospital (PGH).
Ginawa ni Abalos ang kautusan nang personal niyang bisitahin ang health institution para tingnan ang kalagayan ng mga pasyente at kawani na naapektuhan ng sunog noong Biyernes.
Sa kanyang pagbisita, inatasan ni Abalos si BFP-NCR Regional Director Nahum Tarroza, kasama si PGH Director Dr. Gerardo Legaspi, na simulan ang electrical system at connection inspection.
Pinapurihan din niya ang mga tauhan ng PGH sa kanilang mabilis na pagresponde at paghahanda sa insidente ng sunog at naging ligtas ang lahat ng mga pasyente.
May 896 na mga pasyente at tauhan ang inilikas ng mangyari ang sunog at walang naitalang pinsala at pagkamatay.
Sa kanyang panig, sinabi ni PGH Director Legaspi na kuntento sila sa mabilis na pagtugon ng BFP sa pag apula ng sunog.| ulat ni Rey Ferrer