Inihayag ng Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy itong nakikipag-usap sa gobyerno ng Kingdom of Saudi Arabia kaugnay sa paglabas ng ikalawang batch ng mga tseke para sa mga overseas Filipino worker (OFW) claimant.
Ayon kay Migrant Workers officer-in-charge Hans Leo Cacdac, mayroon nang budget dito ang Saudi at hinihintay na lamang ang paglabas ng susunod na batch ng mga tseke.
Humingi rin ng pasensya ang opisyal dahil natatagalan ang paglabas nito.
Kasabay nito ay tiniyak ni Cacdac, na patuloy na tinutulungan ng DMW ang mga kamag-anak ng mga nasawing OFW claimant upang makuha ang kanilang benepisyo.
Sa unang batch na 1,500 OFW claimants na nakatanggap ng benepisyo, 29 na heirs o widows ang kasalukuyang tinutulungan ng DMW upang maproseso ang kanilang mga tseke. Habang nasa 52 na mga OFW claimant naman ang mayroon mali sa kanilang pangalan.
Ayon kay Migrant Workers Assistant Secretary Jerome Alcantara, mag-iisue ng guarantee claims ang ahensya upang makuha ng mga OFW claimant ang kanilang benepisyo.
Para naman sa mga mayroong pang problema sa kanilang claims, maaaring makipag-ugnayan sa DMW sa pamamagitan ng email na [email protected] o kaya ay tumawag sa helpline na 0920-517-1059. | ulat ni Diane Lear