Hinimok ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilbert Teodoro ang China na magpakatotoo at maging kapani-paniwala.
Ang pahayag ay ginawa ng kalihim kaugnay ng pagtatangka ng China na i-“justify” ang kanilang ilegal na aksyon laban sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea sa pamamagitan ng kanilang sinasabing “indisputable claim” sa naturang karagatan.
Sa isang kalatas, sinabi ng kalihim na walang matinong estado ang naniniwala sa pilit na pinapalabas ng China na “professional, restrained, reasonable, and lawful” ang ginawa ng Chinese Coast Guard at Maritime Militia na pagbangga at pagbomba ng water cannon sa mga barko ng Pilipinas.
Sa katunayan aniya ay maraming bansa ang hayagang kumukondena sa mapanghamong pagkilos ng China sa West Phil. Sea.
Binigyang diin ng kalihim na ang ginawa ng Chinese Coast Guard at Maritime Militia sa West Phil. Sea ay ilegal at hindi sibilisado. | ulat ni Leo Sarne